Wednesday, 3 June 2015

Panginoon, turuan Mo po akong magpatawad


Nang magpatawad ka’y 
bumulwak ang dugo,
upang mapawi ang lahat 
ng sala sa mundo.

‘ka nga ‘nyo, bayad na 
ang sala ng lahat—
mga sala ko, mga sala 
ng aking mga ninuno 
at ng aking mga anak.

Panginoon, turuan Mo po akong
magpatawad.

Marami akong gustong patawarin, at gusto ko sanang
magpatawad kung pa'nong ako’y pinatatawad.

Gusto kong patawarin 
ang aking amo, panginoong maylupang
ipinagbubungkal ko ng mga pananim.
Gusto kong patawarin ang bawat kaban ng bigas
na ninanakaw niya sa akin.

Gusto kong patawarin 
ang alkalde ng bayan, sa pagpapapasok niya
ng mga dayuhan sa amin
at nang kami’y pagkaperahan.

Gusto kong patawarin 
ang lilong binata, na nangako ng kasal,
at saka ako iniwan.

Panginoon, turuan Mo po akong
magpatawad.

Bubulwak ang dugo bilang kabayaran, 
at walang diringgin ang kapatawaran—

kahit santong dasalan o santong paspasan.


No comments:

Post a Comment